Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.
53 “Walang(A) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
wala isa mang gumagawa ng mabuti.
2 Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
upang tingnan kung may sinumang matalino,
na naghahanap sa Diyos.
3 Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
walang sinumang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.
4 Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
at hindi tumatawag sa Diyos?
5 Doon sila'y nasa matinding takot,
na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.
6 O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.
Ang Araw ng Pagtubos(A)
26 At(B) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 “Gayundin, ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagtubos. Magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong, magpakumbaba kayo,[a] at mag-alay kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28 Huwag kayong gagawa ng anumang gawa sa araw ding ito, sapagkat ito ay araw ng pagtubos, upang gumawa ng pagtubos para sa inyo sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos.
29 Sapagkat sinumang tao na hindi magpakumbaba[b] sa araw ding ito ay ititiwalag sa kanyang bayan.
30 At sinumang tao na gumawa ng anumang gawa sa araw ding ito ay pupuksain ko sa kalagitnaan ng kanyang bayan.
31 Kayo'y huwag gagawa ng anumang gawa; ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong salinlahi sa lahat ng inyong tirahan.
32 Ito ay magiging ganap na kapahingahan sa inyo, at kayo'y magpapakumbaba; sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw ay ipapangilin ninyo ang inyong Sabbath.”
Kapistahan ng mga Kubol(C)
33 At(D) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34 “Iyong sabihin ang ganito sa mga anak ni Israel: Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwang ito ay pitong araw na Kapistahan ng mga Kubol[c] sa Panginoon.
35 Ang unang araw ay isang banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain.
36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Ito ay isang taimtim na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
37 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na sinusunog, ng butil na handog, at ng mga inuming handog, na bawat isa ay sa nararapat na araw;
38 bukod sa mga Sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, bukod sa lahat ng inyong panata, bukod sa lahat ng inyong mga kusang-loob na handog na inyong ibibigay sa Panginoon.
39 “Gayundin, sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, kapag inyong tinipon ang bunga ng lupain, ipagdiriwang ninyo ang mga kapistahan ng Panginoon sa loob ng pitong araw; ang una at ikawalong araw ay Sabbath.
40 Sa unang araw ay magdadala kayo ng bunga ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga palma, mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng maliliit na halaman sa batis; at kayo'y magdiriwang sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos sa loob ng pitong araw.
41 Inyong tutuparin ito bilang isang kapistahan sa Panginoon sa loob ng pitong araw sa bawat taon. Ito ay isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi; sa ikapitong buwan ay ipagdiriwang ninyo ang kapistahang ito.
Ang Pagsasaya sa Langit
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
2 Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]
3 At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,
“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”
4 At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,
“Amen. Aleluia!”
Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero
5 At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
mga hamak at dakila.”
6 Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
8 At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
ng pinong lino, makintab at malinis;”
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001