Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
2 Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.
3 Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
5 Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
6 Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
7 Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
8 Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
9 Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba: sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na may kapalaluan.
11 Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang: itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli, at parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Bumangon ka, Oh Panginoon, harapin mo siya, ilugmok mo siya: iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon, sa mga tao ng sanglibutan, na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito, at ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan: kanilang binubusog ang kanilang mga anak, at iniiwan nila ang natira sa kanilang pag-aari sa kanilang sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis.
3 At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kaniyang kaaway.
2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito'y isang dupong na naagaw sa apoy?
3 Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.
4 At siya'y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kaniya. At sa kaniya'y kaniyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.
5 At aking sinabi, Suutan siya nila ng isang magandang mitra sa kaniyang ulo. Sa gayo'y sinuutan siya ng magandang mitra sa kaniyang ulo, at sinuutan siya ng mga kasuutan; at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa siping.
6 At ang anghel ng Panginoon ay tumutol kay Josue, na nagsabi,
7 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong iingatan ang aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang aking bayan, at iyo ring iingatan ang aking mga looban, at bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.
8 Dinggin mo ngayon, Oh Josue, na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo; sapagka't sila'y mga taong pinaka tanda: sapagka't narito, aking ilalabas ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagka't, narito, ang bato na aking inilagay sa harap ni Josue; sa ibabaw ng isang bato ay may pitong mata: narito, aking iuukit ang ukit niyaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing yaon sa isang araw.
10 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, tatawagin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapuwa sa lilim ng puno ng ubas, at sa lilim ng puno ng igos.
4 Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom;
5 At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama;
6 At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama:
7 At iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masasama:
8 (Sapagka't ang matuwid na ito na namamayang kasama nila, ay lubhang nahapis araw-araw ang kaniyang matuwid na kaluluwa sa pagkakita at pagkarinig niya, ng mga gawa nilang laban sa kautusan):
9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;
10 Datapuwa't lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:
11 Samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagtataglay ng paghatol na may alipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.
12 Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol.
13 Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa'y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila'y nangakikipagpiging sa inyo;
14 Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait,
15 Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa'y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama;
16 Datapuwa't siya'y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta.
17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila'y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman;
18 Sapagka't, sa pananalita ng mga kapalaluan na walang kabuluhan, ay umaakit sila sa masasamang pita ng laman, sa pamamagitan ng kalibugan, doon sa nagsisitakas sa nangamumuhay sa kamalian;
19 Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila'y mga alipin ng kabulukan; sapagka't ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon.
20 Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una.
21 Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.
Public Domain