Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay. 34 (A)Sumagot ang mga tao, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing ang Anak ng Tao ay itataas? Sino ba itong Anak ng Tao?” 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ang ilaw nang ilang sandali. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang sa gayo'y hindi kayo madaig ng kadiliman. Hindi nalalaman ng lumalakad sa dilim ang kanyang pupuntahan. 36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.