Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
23 Kaya't inanyayahan sila ni Pedro at doon na pinagpalipas ng gabi.
Kinabukasan, sumama siya sa kanila. Sumama din ang ilang mga kapatid mula sa Joppa. 24 Nang sumunod na araw na sila dumating sa Cesarea. Naghihintay sa kanila si Cornelio, na nag-anyaya pa ng kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. 25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. 26 Ngunit itinayo siya ni Pedro, habang sinasabi, “Tumayo ka! Tao rin akong katulad mo.” 27 Habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at nakita ang maraming taong nagtitipon. 28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyong ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga. Ngunit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o karumal-dumal ang isang tao. 29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Maaari ko bang malaman kung bakit mo ako ipinasundo?” 30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakararaan, halos ikatlo rin ng hapon,[a] habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang lumitaw sa harapan ko ang isang lalaking may maningning na kasuotan. 31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong dalangin, at nakaabot sa kanya ang pagtulong mo sa mga dukha. 32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabi ng dagat.’ 33 Kaya ipinasundo agad kita, at mabuti naman na naparito ka. Ngayo'y naririto kaming lahat sa harapan ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.