Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang hatol na parusa sa mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.[a] 2 Sapagkat pinalaya na tayo[b] ng Kautusan ng Espiritu na nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. 3 Ang hindi magawa ng Kautusan, na pinahihina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang pagkatao upang hatulan niya ang kasalanan. Sa gayon, sa kanya iginawad ang hatol sa kasalanan. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang makatarungang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin, na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman. 5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa masasamang hilig nito. Subalit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nakatuon sa mga nais ng Espiritu. 6 Ang pag-iisip ng laman ay naghahatid sa kamatayan, subalit ang pag-iisip ng Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Ang pag-iisip ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa Kautusan ng Diyos, at talaga namang hindi niya ito magagawa. 8 At ang mga namumuhay ayon sa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. 9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu, kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit sinumang walang Espiritu ni Cristo ay hindi kay Cristo. 10 Ngunit kung nasa inyo si Cristo, ang katawan ninyo ay patay dahil sa kasalanan, ngunit ang Espiritu ay buháy dahil sa katuwiran. 11 Kung (A) naninirahan sa inyo ang Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan, siya na muling bumuhay kay Cristo Jesus mula sa kamatayan[c] ay magbibigay rin ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.