Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
20 Ngunit sa katunayan, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay. Siya ang unang bunga ng mga namatay. 21 Sapagkat yamang dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang muling pagkabuhay ng mga patay. 22 Sapagkat kung paanong dahil kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin dahil kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat isa'y ayon sa kanyang takdang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kabilang kay Cristo sa panahon ng kanyang pagdating. 24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibibigay na ang kaharian sa Diyos Ama, matapos niyang lipulin ang lahat ng paghahari, pamamahala at kapangyarihan. 25 Sapagkat (A) kailangang maghari siya hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagkat (B) “ipinasakop niya ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.” Sa pagsasabi na ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop sa kanya, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos, na siyang nagpasakop ng lahat ng mga bagay kay Cristo. 28 At kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa Anak, ang Anak ay pasasakop din sa Ama na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ay mangibabaw sa lahat.
29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (C) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.