Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Kaya't ang nakapagsasalita sa ibang wika ay dapat manalangin na magkaroon din siya ng kakayahang makapagpaliwanag. 14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa ibang wika, nananalangin ang aking espiritu, ngunit wala namang ibinabahagi ang aking pag-iisip. 15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako sa espiritu, at aawit din ako sa aking pag-iisip. 16 Kung hindi gayon, kapag nagpupuri ka sa pamamagitan ng espiritu, paano makapagsasabi ng “Amen” sa iyong pagpapasalamat ang isang taong walang kaalaman, kung hindi naman niya nauunawaan ang sinasabi mo? 17 Maaaring ikaw ay lubos na nakapagpapasalamat, ngunit ang iba naman ay hindi napapalakas. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako sa mga wika nang higit kaysa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang bumigkas ng limang salita na nauunawaan, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip na parang mga bata. Tungkol sa kasamaan ay maging musmos kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging tulad kayo ng mga taong nasa hustong gulang. 21 Sa (A) Kautusan ay nasusulat,
“Sa pamamagitan ng mga taong may kakaibang wika,
at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga
ay magsasalita ako sa bayang ito,
subalit hindi nila ako pakikinggan,”
sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda hindi para sa mga sumasampalataya kundi sa mga hindi sumasampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng propesiya ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. 23 Kaya't kung nagkakatipon ang buong iglesya at ang lahat ay nagsasalita sa iba't ibang wika, at pumasok ang mga walang kaalaman o mga di-nanampalataya, hindi kaya nila sabihing kayo'y nababaliw? 24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at may pumasok na di-mananampalataya, o isang walang kaalaman, siya ay mahihikayat ng lahat na siya'y isang makasalanan. Siya ay pananagutin ng lahat, 25 yamang nailantad ang mga lihim ng kanyang puso, at ang taong iyon ay yuyukod,[a] at kanyang sasambahin ang Diyos, at siya'y magpapahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.