Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]
56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
Palagi nila akong pinahihirapan.
2 Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
O Kataas-taasang Dios.[b]
3 Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
4 O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
5 Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
6 Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
7 Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
8 Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
9 Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.
8 Iniutos agad ng Panginoon kay Elias, 9 “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.” 10 Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” 11 Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakiusap dalhan mo rin ako ng tinapay.”
12 Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Pero ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para sa iyo at sa anak mo. 14 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” 15 Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak.[a] 16 Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
6 Kung sabagay, nagtuturo rin kami ng malalalim na karunungan sa mga matatag na sa pananampalataya, ngunit ang karunungang itoʼy hindi mula sa karunungan ng mundong ito, o sa mga namumuno sa mundong ito na nakatakda nang malipol. 7 Ang karunungang sinasabi ko ay ang karunungan ng Dios na kanyang inilihim noon. Itoʼy itinalaga niya para sa ating karangalan bago pa man niya likhain ang mundo. 8 Ang karunungang ito ay hindi naunawaan ng mga namumuno sa mundong ito. Sapagkat kung naunawaan nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. 9 Ganito nga ang sinasabi ng Kasulatan,
“Wala pang taong nakakita, nakarinig, o nakaisip sa mga bagay na inihanda ng Dios para sa mga nagmamahal sa kanya.”[a]
10 Ngunit ang mga bagay na itoʼy ipinahayag na sa atin ng Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Sapagkat ang lahat ng bagay ay nalalaman ng Espiritu, maging ang mga malalalim na kaisipan ng Dios. 11 Hindi baʼt walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu? Ganoon din naman, walang nakakaalam sa iniisip ng Dios maliban sa kanyang Espiritu. 12 At ang Espiritu na ito ng Dios ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Dios.
13 Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espiritwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu. 14 Ngunit sa taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios, hindi niya tinatanggap ang mga aral mula sa Espiritu, dahil para sa kanya itoʼy kamangmangan. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy mauunawaan lamang sa tulong ng Espiritu. 15 Sa taong pinananahanan ng Espiritu, nauunawaan niya ang mga bagay na ito, ngunit hindi naman siya maunawaan ng mga tao na hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios. 16 Ayon nga sa sinasabi ng Kasulatan,
“Sino ba ang nakakaalam ng isip ng Panginoon?
Sino ba ang makakapagpayo sa kanya?”
Ngunit tayo, taglay natin ang pag-iisip ni Cristo, kaya nakakaunawa tayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®