Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Iisang Katawan, Maraming Bahagi
12 Sapagkat (A) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (B) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.
At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.
Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(A)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu at sa buong lupain ay kumalat ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga taglay ang papuri ng lahat.
Ang Pagtataboy kay Jesus(B)
16 Dumating siya sa Nazareth na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang araw ng Sabbath at tumindig upang magbasa. 17 Iniabot sa kanya ang aklat ng propetang si Isaias at pagkabukas dito ay natunghayan niya ang dako kung saan nasusulat,
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag ang paglaya
at sa mga bulag na sila'y makakita
upang bigyang-laya ang mga inaapi,
19 at ipahayag ang pinapagpalang taon ng Panginoon.”
20 Inirolyo ni Jesus at isinauli ang aklat sa tagapaglingkod, at siya'y naupo. At ang mga mata ng lahat ng sinagoga ay nakatitig sa kanya. 21 Sinimulan niyang sabihin sa kanila, “Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang inyong narinig.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.