Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 145

Awit ng Papuri. Kay David.

145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
    at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
Pupurihin kita araw-araw,
    at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
    at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.

Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
    at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
    at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
    at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
    at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.

Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
    at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.

10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
    at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
    at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
    at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
    at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
    at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
    at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
    binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
    at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
    sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
    kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
    ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.

21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
    at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.

Isaias 54:1-8

Ang Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos sa Israel

54 “Umawit(A) ka, O baog, ikaw na hindi nanganak;
    ikaw ay biglang umawit, at sumigaw nang malakas,
    ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat ang mga anak ng babaing iniwan ay magiging higit na marami
    kaysa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.
Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda,
    at iladlad mo ang mga tabing ng iyong mga tahanan;
huwag kang umurong, habaan mo ang iyong mga lubid,
    at patibayin mo ang iyong mga tulos.
Sapagkat ikaw ay kakalat nang malayo sa kanan at sa kaliwa;
    at aangkinin ng iyong lahi ang mga bansa,
    at patitirahan ang mga bayang giba.

“Huwag kang matakot; sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya;
    huwag kang malilito sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan;
sapagkat iyong malilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan,
    at hindi mo na maaalala pa ang iyong pagkabalo na dala'y kasiraan.
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay iyong asawa;
     Panginoon ng mga hukbo ay kanyang pangalan.
Ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos,
    ang Diyos ng buong lupa ang tawag sa kanya.
Sapagkat tinawag ka ng Panginoon,
    gaya ng asawang kinalimutan at nagdadalamhati ang espiritu,
parang asawa ng kabataan nang siya'y itakuwil,
    sabi ng iyong Diyos.
Sa ilang sandali ay kinalimutan kita;
    ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag!
Sa nag-uumapaw na poot nang sandali,
    ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo,
ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob,
    sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.

Roma 12:9-21

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(B) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(C) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(D) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001