Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[a] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (B) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (C) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (D) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.