Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. 2 Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. 3 Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.
4 May (A) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. 6 May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. 7 Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. 8 May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; 9 ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.
Ang Kasalan sa Cana
2 Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” 4 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” 5 Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” 6 Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. 8 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila. 9 Tinikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak na. Dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling, bagama't alam ng mga lingkod na kumuha ng tubig, tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kanya, “Karaniwang inihahain muna ng tao ang mataas na uri ng alak, at saka pa lamang ihahain ang mababang uri nito kapag ang lahat ay lasing na. Ngunit ngayon mo lamang inilabas ang mataas na uri ng alak.” 11 Ito ang una sa mga himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito sa Cana ng Galilea at sa gayo'y ipinahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. At sumampalataya nga sa kanya ang kanyang mga alagad.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.