Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos, (A) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. 2 Nakita (B) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. 3 At (C) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,
“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
4 papahirin (D) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”
5 At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” 6 Pagkatapos (E) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang (F) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.