Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
23 Kaya't sila'y nagtalaga ng isang araw para sa kanya, at maraming nagtungo sa kanyang tinutuluyan pagsapit ng takdang araw na iyon. Mula umaga hanggang gabi ay nagpaliwanag at nagpatotoo sa kanila si Pablo tungkol sa paghahari ng Diyos. Sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus mula sa isinasaad ng Kautusan ni Moises at ng mga propeta. 24 May ibang naniwala sa kanyang sinabi at may iba namang hindi. 25 At nang hindi sila magkaisa, umalis sila matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pahayag: “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu nang sabihin niya sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias,
26 ‘Pumaroon (A) ka sa sambayanang ito at sabihin mo,
Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
tingnan man ninyo nang tingnan, hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
ipinikit na nila ang kanilang mga mata;
Sapagkat ayaw na nilang makakita ang kanilang mga mata,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang kanilang puso, at magbalik-loob sa akin,
at sila'y aking pagalingin.’
28 Kaya nais kong sabihin sa inyo na ipinararating na sa mga Hentil ang kaligtasang ito mula sa Diyos, at pakikinggan nila ito!” 29 [Matapos niyang sabihin ang mga ito ay umalis na ang mga Judio at mahigpit na nagtalu-talo.][a] 30 Dalawang taóng nanirahan sa Roma si Pablo, sa bahay na kanyang inuupahan. Tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Buong tapang at malaya niyang ipinangangaral ang mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos at itinuturo ang tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.