Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 11:1-9

Ang Mapayapang Kaharian

11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
    Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.

Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
    ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
    ng mabuting payo at kalakasan,
    kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
    o magpapasya batay sa kanyang narinig.
Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
    at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
    sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
Maghahari(C) siyang may katarungan,
    at mamamahala ng may katapatan.

Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
    mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
    at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
    ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
    hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Walang(E) mananakit o mamiminsala
    sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
    kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.

Mga Bilang 16:1-19

Ang Paghihimagsik nina Korah, Datan at Abiram

16 Naghimagsik(A) (B) laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobra na 'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?”

Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.”

Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? 10 Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? 11 Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?”

12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? 14 Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!”

15 Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.”

16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. 17 Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.”

18 Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. 19 Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan.

Mga Hebreo 13:7-17

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.

10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(A) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.

17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.