Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin
mula sa sambahayan ni David na kanyang alipin,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noon pa man,
71 na tayo'y ililigtas niya mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin
72 upang ang habag sa ating mga ninuno ay ipakita
at ang kanyang banal na tipan ay maalala,
73 ang pangakong ibinigay niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong mga iniligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At (A) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang ipaalam ang kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
sisilay[a] sa atin ang bukang-liwayway,
79 upang (B) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.