Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pinagbabato si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga ito, nagalit sila at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[a] 55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[b]
8 Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.
Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya
Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.