Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
24 Sapagkat si Cristo ay mismong sa langit pumasok at hindi sa santuwaryong gawa ng mga kamay ng tao, na larawan lamang ng mga tunay na bagay. Ngayo'y nasa harap siya ng Diyos upang dumulog para sa atin. 25 Naroon siya hindi upang ihandog ng maraming ulit ang kanyang sarili, hindi tulad ng Kataas-taasang Pari ng mga Judio na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan taun-taon at may dalang dugo na hindi naman sa kanya. 26 Sapagkat kung ihahandog niya ang kanyang sarili taun-taon, kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nagpakita sa pagtatapos ng panahon upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom. 28 Gayundin (A) naman, minsanang ihinandog si Cristo upang pasanin ang kasalanan ng marami. Magpapakita siya sa ikalawang pagkakataon, hindi na upang pasanin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
38 Sinabi niya habang siya'y nagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan! Mahilig silang maglakad-lakad na suot ang mahahabang damit, at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. 39 Mahilig din silang maupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo at nagkukunwaring banal sa pamamagitan ng kanilang mahahabang pagdarasal. Mas mabigat na parusa ang tatanggapin ng mga ito.”
Ang Kaloob ng Babaing Balo(B)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman ng templo at pinagmasdan kung paano naghuhulog ang mga tao ng kanilang handog na salapi. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Dumating ang isang dukhang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing, katumbas ng isang pera. 43 Tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Katotohanan ang sinasabi ko, ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghulog sa kabang-yaman. 44 Sapagkat lahat ay nagbigay mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay nagbigay ng kanyang buong kabuhayan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.