Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
15 At dahil dito, si Cristo ang tagapamagitan ng isang bagong tipan. Dahil sa kanyang kamatayan na tumutubos sa mga tao mula sa mga paglabag na nagawa nila noong sila'y nasa ilalim pa ng unang tipan, ang mga tinawag ay tatanggap ng ipinangakong pamanang walang hanggan. 16 Kapag mayroong kasulatan ng tipan, kailangang patunayan na patay na ang gumawa nito. 17 Nagkakabisa lamang ang tipan kapag ang gumawa nito ay namatay na.Wala itong bisa habang buháy pa ang tao na gumawa nito. 18 Maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay nang walang dugo. 19 Sapagkat (A) pagkatapos sabihin ni Moises sa buong bayan ang lahat ng sinasabi ng Kautusan na dapat nilang gawin, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at gamit ang mapulang balahibo at isopo ay winisikan niya ang aklat at ang buong bayan. 20 Kasabay nito ay kanyang sinabi, “Ito ang dugo ng tipan na ipinag-utos ng Diyos sa inyo.” 21 Sa gayon ding paraan, winisikan (B) din ni Moises ng dugo ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa pagsamba. 22 Sa (C) katunayan, itinatakda ng Kautusan na halos lahat ng bagay ay dapat linisin sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Alay na Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga larawan ng mga bagay na panlangit ay linisin sa pamamagitan ng ganitong mga alay. Ngunit ang mga bagay sa kalangitan ay dapat linisin sa pamamagitan ng mga handog na mas mabuti kaysa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay mismong sa langit pumasok at hindi sa santuwaryong gawa ng mga kamay ng tao, na larawan lamang ng mga tunay na bagay. Ngayo'y nasa harap siya ng Diyos upang dumulog para sa atin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.