Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Turo tungkol sa Pangangalunya
27 “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo na ang bawat tumitingin sa babae nang may mahalay na pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang puso. 29 Kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang mata, dukutin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang iyong buong katawan sa impiyerno. 30 At kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang kamay, putulin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang iyong buong katawan ay mapunta sa impiyerno.
Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
31 “Sinabi rin, ‘Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae ay dapat magbigay sa babae ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawa, maliban sa kadahilanang pangangalunya ay nagtutulak sa kanyang asawa na mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.
Ang Turo tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig din ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan, sa halip ay tutuparin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ 34 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, huwag ninyong gagamitin sa panunumpa ang anuman, kahit ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos, 35 o kaya'y ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, kahit ang Jerusalem, sapagkat ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 Huwag mo ring gagamitin sa iyong panunumpa ang iyong ulo, sapagkat hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isa mang hibla ng iyong buhok.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.