Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[a] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. 2 Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. 3 Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. 4 At sinabi niyang isa siyang Judio.[b] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.
5 Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. 6 At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. 7 Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[c] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
8 Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. 9 Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”
10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[d] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.
Ang Asin at Ilaw(A)
13 “Kayong mga tagasunod ko ang nagsisilbing asin sa mundo. Ngunit kung mag-iba ang lasa[a] ng asin, wala nang magagawa para ibalik ang lasa nito. Wala na itong pakinabang kaya itinatapon na lang at tinatapak-tapakan ng mga tao.
14 “Kayo ang nagsisilbing ilaw sa mundo. At ito ay makikita nga tulad ng lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitago. 15 Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Ganoon din ang dapat ninyong gawin. Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.”
Ang Turo tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang ipawalang-saysay ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta. Naparito ako upang tuparin ang mga ito. 18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hanggaʼt may langit at may lupa, kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay hindi mawawalan ng kabuluhan hanggaʼt hindi natutupad ang lahat.[b] 19 Kaya ang sinumang lumabag sa pinakamaliit na bahagi ng Kautusan, at magturo sa iba na lumabag din ay ituturing na pinakamababa sa kaharian ng Dios. Ngunit ang sinumang sumusunod sa Kautusan, at nagtuturo sa iba na sumunod din ay ituturing na dakila sa kaharian ng Dios. 20 Kaya tandaan ninyo: kung hindi ninyo mahihigitan ang pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo sa kalooban ng Dios, hindi kayo makakapasok sa kaharian ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®