Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Babala Laban sa Pagtatangi ng Tao
2 Mga kapatid ko, dapat ay pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao habang pinanghahawakan ninyo ang pananampalataya sa ating maluwalhating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Halimbawang pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may gintong singsing at may magandang kasuotan, at dumating din ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at binigyang-pansin ninyo ang nakadamit nang maganda at sinabi sa kanya, “Narito ang magandang upuan para sa iyo” at sa dukha ay inyo namang sinabi, “Tumayo ka riyan,” o kaya'y, “Diyan ka na lang maupo sa may paanan ko,” 4 hindi ba nagtatangi na kayo at humahatol nang may masamang pag-iisip? 5 Pakinggan ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at magmana ng kahariang kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mga dukha. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba't sila ang lumalapastangan sa marangal na pangalang itinawag sa inyo? 8 Mabuti (A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang marangal na Kautusang mula sa ating Hari ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala at ayon sa Kautusan, kayo'y napatunayang suwail kaya't dapat parusahan. 10 Sinumang tumutupad sa buong Kautusan, subalit lumalabag sa isang bahagi nito, ay nagkakasala sa buong Kautusan.
11 Sapagkat (A) ang Diyos na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, lumalabag ka rin sa Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pananalita at gawa, sapagkat hahatulan kayo ayon sa Kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang mga hindi nagpakita ng awa. Ngunit ang habag ay magtatagumpay sa paghatol.
Pananampalataya at Gawa
14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin man ng isang tao na mayroon siyang pananampalataya, ngunit hindi naman ito nakikita sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawang ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain sa araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Diyos; magbihis ka't mabusog,” ngunit hindi naman ninyo ibinibigay ang mga kailangan ng kanyang katawan, ano'ng pakinabang niyon? 17 Gayundin naman, ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay.
Ang Pananampalataya ng Isang Babaing Taga-Sirofenicia(A)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon, at ayaw sana niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi naman ito maitago. 25 Nabalitaan ng isang babaing may anak na sinasaniban ng maruming espiritu na naroon si Jesus. Kaya't nagpunta agad siya kay Jesus at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isinilang sa Sirofenicia. Nagmakaawa siya kay Jesus[a] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. 27 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kailangang ang mga anak muna ang mapakain. Hindi dapat kunin ang tinapay ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28 Ngunit tumugon ang babae, “Opo, Panginoon, ngunit kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na tinapay ng mga anak.” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan niyang nakahiga ang anak sa higaan. Iniwan na ito ng demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Sa pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Doon ay dinala sa kanya ng ilang tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Nakiusap sila sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa lalaki. 33 Matapos mailayo ang lalaki mula sa karamihan, ipinasok ni Jesus ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng bingi. Pagkatapos nito'y dumura siya at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ibig sabihi'y “Mabuksan!” 35 Agad nakarinig ang lalaki, at parang may taling nakalag sa kanyang dila, at nakapagsalita nang malinaw. 36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nilang ipinamamalita ang nangyari. 37 Manghang-mangha ang mga tao. Sinabi nila, “Maganda ang lahat ng kanyang ginagawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.