Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jesus sa Harap ni Pilato(A)
28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (B)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.)
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.