Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Relasyong Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isa't isa bilang bunga ng inyong paggalang kay Cristo. 22 Mga (A) asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, kung paanong si Cristo ang ulo ng iglesya, at siya mismo ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngayon, kung paanong nagpapasakop kay Cristo ang iglesya, gayundin ang mga asawang babae ay dapat pasakop sa lahat ng bagay sa kani-kanilang asawa. 25 Mga (B) asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, kung paanong inibig ni Cristo ang iglesya at inialay ang kanyang sarili para dito, 26 upang pakabanalin niya ito, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may kalakip na salita, 27 upang maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, walang dungis o kulubot o anumang tulad nito, sa halip ang iglesya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Sa gayunding paraan, dapat ibigin ng asawang lalaki ang kanyang sariling asawa tulad ng sarili niyang katawan. Ang umiibig sa sarili niyang asawa ay umiibig sa kanyang sarili. 29 Sapagkat walang sinumang namuhi sa sarili niyang katawan, sa halip ay inaaruga niya ito at iniingatan, gaya ng ginagawa ni Cristo sa iglesya; 30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Dahil (C) dito ay iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina, at pipisan siya sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. 32 Napakalalim ng hiwagang ito, ngunit ang sinasabi ko ay tungkol kay Cristo at sa iglesya. 33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat lalaki sa inyo ang sarili niyang asawa gaya ng kanyang sarili, at dapat igalang ng babae ang kanyang asawa.
Tungkol sa mga Anak at mga Magulang
6 Kayong mga (D) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sang-ayon sa Panginoon, sapagkat ito ay nararapat. 2 “Igalang (E) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako, 3 “upang lumigaya ka at humaba ang iyong buhay sa ibabaw ng lupa.” 4 Kayong (F) mga ama, huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak, sa halip ay palakihin ninyo sila sa disiplina at pangaral ng Panginoon.
Mga Alipin at mga Panginoon
5 Kayong mga (G) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon dito sa lupa nang may buong paggalang na taglay ang katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo. 6 Sundin ninyo sila hindi lamang kapag nakatingin sila sa inyo bilang pakitang-tao lang, kundi bilang mga alipin ni Cristo. Buong puso ninyong gawin ang kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting hangarin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao, 8 sapagkat alam naman ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mabuti, alipin man siya o malaya. 9 Kayong (H) mga panginoon, gayundin ang gawin ninyo sa inyong mga alipin. Huwag na kayong magbabanta, yamang nalalaman ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at pantay-pantay ang pagtingin niya sa mga tao.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.