Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtitiyaga at Panalangin
7 Kaya magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Masdan ninyo kung paano hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa at kung gaano siya katiyaga hanggang sa pagpatak ng una at huling ulan. 8 Dapat din kayong maging matiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat malapit na ang pagdating ng Panginoon. 9 Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, upang hindi kayo mahatulan ng Diyos. Tingnan ninyo! Nakatayo ang hukom sa labas ng pintuan! 10 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga propetang nagpahayag sa pangalan ng Panginoon at gawin ninyo silang halimbawa ng pagtitiyaga sa gitna ng pagdurusa. 11 (A) Alalahanin ninyong itinuturing nating pinagpala ang nanatiling matatag sa gitna ng pagtitiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung gaano kalaki ang kanyang habag at kagandahang-loob. 12 Ngunit (B) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa na saksi ninyo ang langit o ang lupa o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyong “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo maparusahan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.