Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos na naglagay sa puso ni Tito ng parehong pagsisikap para sa inyo. 17 Sapagkat hindi lamang niya tinanggap ang aming pakiusap, kundi pupunta pa siya riyan sa inyo nang may buong sigasig, at ito'y sa sarili niyang kapasyahan. 18 Isinusugo naming kasama niya ang kapatid na iginagalang ng mga iglesya dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 19 Bukod dito, pinili siya ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin kaugnay ng biyayang ito sa ilalim ng aming paglilingkod, upang maparangalan ang Panginoon, at upang ipakita ang aming kahandaang tumulong. 20 Iniiwasan naming kami ay mapintasan tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Sapagkat (A) sinisikap naming gawin ang mga bagay nang may katapatan hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng mga tao. 22 Isinugo rin naming kasama nila ang aming kapatid na subok na subok na namin at napatunayang masigasig sa maraming bagay, at lalo pa ngayon dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa para sa inyo. Tungkol naman sa ating mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo. 24 Kaya't sa harapan ng mga iglesya, ipakita ninyo sa mga taong ito ang katibayan ng inyong pag-ibig at kung may dahilan nga ba kaming ipagmalaki kayo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.