Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
AIN.
121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.
Si Saul ay Nanibugho kay David
6 Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.
7 At(A) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,
“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa.”
8 Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”
9 Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.
10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;
11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.
12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.
13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.
15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.
16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.
Pinakasalan ni David ang Anak na Babae ni Saul
17 At sinabi ni Saul kay David, “Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng Panginoon.” Sapagkat iniisip ni Saul, “Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya.”
18 Sinabi ni David kay Saul, “Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?”
19 Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa.
20 Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya.
21 Iniisip ni Saul, “Ibibigay ko si Mical[a] sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya.” Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, “Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito.”
22 At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, ‘Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.’”
23 Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, “Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?”
24 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Gayon ang sinabi ni David.”
25 At sinabi ni Saul, “Ganito ang inyong sasabihin kay David, ‘Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.’” Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon,
27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.
28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,
29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.
30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.
Bumagyo sa Dagat
13 Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.
15 Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.
16 Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.
17 Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.
18 Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.
19 Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.
20 Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.
21 Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.
22 Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.
23 Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
24 na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’
25 Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.
26 Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”
27 Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.
28 Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.
29 Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.
30 Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,
31 ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”
32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.
34 Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”
35 Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.
36 Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.
37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.
38 Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001