Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagkagapi ni Satanas
7 Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, 8 at lalabas (A) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. 9 Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono
11 At (B) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.