Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Sapagkat hindi ang mga sarili namin ang aming ipinangangaral, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming mga sarili ay mga alipin ninyo alang-alang kay Cristo. 6 Sapagkat (A) ang Diyos na nagsabi, “Magliwanag ang ilaw sa kadiliman,” ay siyang nagliwanag sa aming mga puso upang ihasik ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang walang kapantay na kapangyarihang ito ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. 8 Kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nadudurog; nalilito ngunit hindi nanlulupaypay; 9 pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan; pinababagsak, ngunit hindi nawawasak. 10 Dala-dala namin sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang mahayag din sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Sapagkat kaming nabubuhay ay laging nabibingit sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang kanyang buhay ay mahayag sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan. 12 Kaya't ang kumikilos sa amin ay kamatayan, ngunit sa inyo naman ay buhay.
Ang Pamimitas ng Trigo sa Araw ng Sabbath(A)
23 Isang (B) araw ng Sabbath, napadaan sina Jesus sa isang bukirin ng trigo. Sa kanilang paglalakad, namitas ng uhay ang kanyang mga alagad. 24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit ginagawa ng mga alagad mo ang ipinagbabawal sa araw ng Sabbath?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain? 26 Noong (C) si Abiatar ang Kataas-taasang Pari, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan, gayong ang mga pari lamang ang pinahihintulutang kumain niyon.” 27 Sinabi ni Jesus, “Nagkaroon ng Sabbath para sa tao, at hindi ng tao para sa Sabbath. 28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(D)
3 Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay. 2 Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[b] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” 4 Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. 5 Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. 6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.