Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Deuteronomio 11:1-17

Ang Kadakilaan ng Panginoon

11 “Kaya't ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, at lagi mong sundin ang kanyang bilin, mga tuntunin, mga batas, at mga utos.

At isaalang-alang ninyo sa araw na ito, sapagkat hindi ako nagsasalita sa inyong mga anak (na hindi nakakakilala, at hindi nakakita ng parusa ng Panginoon ninyong Diyos), ng kanyang kadakilaan, ng kanyang makapangyarihang kamay at ng kanyang unat na bisig,

ng(A) kanyang mga tanda, ng kanyang mga ginawa sa gitna ng Ehipto kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang buong lupain;

at(B) ang kanyang ginawa sa hukbo ng Ehipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karwahe; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Pula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong pinuksa sila ng Panginoon hanggang sa araw na ito.

At kung ano ang kanyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito;

at(C) kung ano ang kanyang ginawa kay Datan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, ang kanilang mga sambahayan, ang kanilang mga tolda, at bawat bagay na may buhay na sumunod sa kanila sa gitna ng buong Israel;

sapagkat nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa na ginawa ng Panginoon.

“Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas, makapasok at angkinin ang lupain na inyong tatawirin;

at upang kayo'y mabuhay nang matagal sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

10 Sapagkat ang lupain na iyong pupuntahan upang angkinin ay hindi gaya ng lupain ng Ehipto na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay;

11 kundi ang lupain na inyong patutunguhan upang angkinin ay lupaing maburol at malibis, at umiinom ng tubig ng ulan sa langit,

12 lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Diyos. Ang pansin ng Panginoon mong Diyos ay laging naroon, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.

13 “Kung(D) inyong susundin ang mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos at siya'y paglingkuran ng iyong buong puso at kaluluwa,

14 ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kanyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong matipon ang iyong trigo, alak, at langis.

15 Aking bibigyan ng damo ang inyong mga bukid para sa iyong mga hayop, at ikaw ay kakain at mabubusog.

16 Mag-ingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila.

17 Kapag gayon, ang galit ng Panginoon ay magniningas laban sa inyo, at kanyang sasarhan ang langit, upang hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa'y hindi magbibigay ng kanyang bunga; at kayo'y mabilis na mapupuksa sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.

1 Timoteo 6:13-16

13 Sa(A) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,

14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;

15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.

16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001