Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (A)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Si Judas, hindi si Iscariote, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, bakit po ninyo ihahayag ang inyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” 23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sinumang nagmamahal sa akin ay tutupad sa aking salita, at mamahalin siya ng aking Ama. Darating kami sa kanya at maninirahan kaming kasama niya. 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita, at ang salitang naririnig ninyo ay hindi sa akin, kundi mula sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo habang kasama pa ninyo ako. 26 Subalit ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu na isusugo ng Ama sa pangalan ko ay magtuturo sa inyo ng lahat, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban o kaya'y matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko sa inyo, ‘Aalis ako, at darating ako sa inyo.’ Kung minamahal ninyo ako, magagalak kayo na pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. 29 At ngayon, sinabi ko na ito sa inyo, bago pa ito mangyari, upang kapag nangyari na ito, ay maniwala kayo. 30 Kaunti na lang ang masasabi ko sa inyo, dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutan. Ngunit wala siyang karapatan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang iniutos niya sa akin. Tumayo na kayo. Umalis na tayo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.