Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
80 Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.
2 Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.
3 Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami.
4 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana.
6 Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan.
7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
16 Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha.
17 Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.
18 Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.
19 Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.
9 Kayo'y magsibangon, kayong mga babaing tiwasay, at dinggin ninyo ang tinig ko; ninyong mga walang bahalang anak na babae, pakinggan ninyo ang aking pananalita.
10 Sapagka't sa mga araw na sa dako pa roon ng isang taon ay mangababagabag kayo, kayong mga walang bahalang babae: sapagka't ang ani ng ubas ay magkukulang, ang pagaani ay hindi darating.
11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay; kayo'y mangabagabag, kayong mga walang bahala; kayo'y magsipaghubo, at kayo'y magsipaghubad, at mangagbigkis kayo ng kayong magaspang sa inyong mga balakang.
12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang, dahil sa mabungang puno ng ubas.
13 Sa lupain ng aking bayan ay tutubo ang mga tinik at mga dawag; oo, sa lahat na bahay na kagalakan sa masayang bayan:
14 Sapagka't ang bahay-hari ay mapapabayaan; ang mataong bayan ay magiging ilang; ang burol at ang bantayang moog ay magiging mga pinaka yungib magpakailan man, kagalakan ng mga mailap na asno, pastulan ng mga kawan;
15 Hanggang sa mabuhos sa atin ang Espiritu na mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang bukid, at ang mabungang bukid ay mabilang na pinakagubat.
16 Kung magkagayo'y tatahan ang kahatulan sa ilang, at ang katuwiran ay titira sa mabungang bukid.
17 At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.
18 At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan, at sa mga tiwasay na tahanan, at sa mga tahimik na dako na pahingahan.
19 Nguni't lalagpak ang granizo, sa ikasisira ng gubat; at ang bayan ay lubos na mawawasak.
20 Mapapalad kayo na nangaghahasik sa siping ng lahat na tubig, na nangagpapalakad ng mga paa ng baka at ng asno.
17 Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.
18 At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan.
Public Domain