Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Felipe at ang Eunukong Taga-Etiopia
26 Matapos ang mga ito, inutusan ng isang anghel ng Panginoon si Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza. Ito'y ilang na daan.” 27 Tumindig nga siya at umalis. Dumating naman ang isang eunukong taga-Etiopia, na tagapamahala ng buong kayamanan ni Candace, ang reyna ng Etiopia. Galing ang eunuko sa Jerusalem upang sumamba. 28 Pauwi na siya noon, nakasakay sa kanyang karwahe at binabasa ang aklat ni propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” 30 Kaya't tumakbong palapit si Felipe at kanyang narinig na binabasa ng lalaki ang aklat ni propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” 31 Sumagot siya kay Felipe, “Paano ko ito mauunawaan kung walang magpapaliwanag sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na sumakay at maupong kasama niya. 32 Ito (A) ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:
“Tulad ng tupang dinala sa katayan;
at ng korderong hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”
34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang kanya bang sarili o iba?” 35 Mula sa talatang ito, ipinangaral ni Felipe sa lalaki ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Sa kanilang paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig. Sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, may tubig! Ano'ng hadlang upang ako'y mabautismuhan?” 37 [At sinabi ni Felipe, “Kung sumasampalataya ka nang buong puso ito'y mangyayari. Sumagot ang eunuko, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos.”][a] 38 Pinahinto ng eunuko ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, biglang inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe, at hindi na siya nakita ng eunuko. Nagagalak itong nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Samantala, natagpuan si Felipe sa Azotus. Mula roon ay ipinangaral niya ang Magandang Balita sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. 2 Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. 3 Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. 8 Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.