Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, bakit ninyo ito ipinagtataka at bakit ninyo kami tinititigan na para bang napalakad namin siya sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati ng (A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[a] na si Jesus na inyong isinakdal at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong si Pilato ay nagpasya nang palayain siya. 14 Itinakwil ninyo (B) ang Banal at Matuwid at hiniling na palayain para sa inyo ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang May-akda ng buhay, ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga kamatayan, at kami ay mga saksi sa bagay na ito. 16 Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, gumaling ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, gaya ng nakikita ninyong lahat. 17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan,
3 Masdan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig na ibinigay sa atin ng Ama, upang tayo'y tawaging mga anak ng Diyos; at tayo nga'y kanyang mga anak. Dahil dito, hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat hindi nito kinikilala ang Diyos. 2 Mga minamahal, tayo'y mga anak na ng Diyos ngayon. Hindi pa nahahayag kung ano ang magiging katulad natin sa panahong darating. Ito ang alam natin: kapag nahayag na ang Anak, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang tunay na kalikasan. 3 Ang sinumang mayroong ganitong pag-asa sa Anak ay naglilinis ng kanyang sarili, katulad niya na malinis.
4 Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumusuway din sa Kautusan. Sa katunayan, ang pagsuway sa kautusan ay kasalanan. 5 Nalalaman ninyo na nahayag ang Anak upang alisin ang mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanang matatagpuan. 6 Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi patuloy na nagkakasala; ang sinumang patuloy na nagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya. 7 Mga anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, katulad ni Cristo na matuwid.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Subalit kinilabutan sila at natakot at inakala nilang espiritu ang kanilang nakikita. 38 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at aking mga paa. Ako ito. Hipuin ninyo ako at masdan; sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, at nakikita ninyong mayroon ako ng mga ito.” 40 At pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Bagama't hindi pa sila lubusang makapaniwala dahil sa tuwa at pagkamangha, sinabi sa kanila ni Jesus, “Mayroon ba kayo ritong makakain?” 42 Kaya't siya ay binigyan nila ng isang piraso ng inihaw na isda. 43 At pagkatanggap nito, kumain siya sa harapan nila. 44 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinabi ko sa inyo noong kasama ko pa kayo. Kailangang matupad ang lahat ng naisulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga Propeta, at sa mga Awit.” 45 At binuksan niya ang kanilang isipan upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ito nga ang nasusulat: magdurusa ang Cristo ngunit babangong muli sa ikatlong araw mula sa kamatayan, 47 at sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan ay ipapangaral sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Mga saksi kayo sa lahat ng mga ito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.