Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
18 Lumapit (B) kay Jesus ang mga Saduceo, mga taong nagtuturo na walang pagkabuhay na muli, at nagtanong sila sa kanya, 19 “Guro, (C) isinulat ni Moises para sa amin na kung mamatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki ng namatay ay dapat pakasal sa babae upang magkaanak siya para sa yumao. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawa ang babae subalit namatay ring walang naiwang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Walang ni isa man sa pitong magkakapatid ang nagkaanak sa kanya. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. 23 Sa muling pagkabuhay, (kapag sila'y muling nabuhay)[a] sino sa pitong magkakapatid ang magiging asawa ng babae yamang napangasawa niya silang lahat?” 24 Sumagot si Jesus, “Nagkakamali kayo! At ito ang dahilan: hindi ninyo nauunawaan ang mga kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay ng mga tao mula sa kamatayan ay wala nang pag-aasawa. Sa halip, sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol (D) naman sa muling pagbangon ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa bahagi tungkol sa mababang punong nagliliyab na doon ay sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy! Maling-mali kayo!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.