Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya
32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (A) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Ang Salita ng Buhay
1 Ipinaaalam namin sa inyo ang tungkol sa kanya na naroon na buhat pa sa simula—tungkol sa Salita ng buhay na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan at nahawakan ng aming mga kamay. 2 Nahayag ang buhay na ito, nakita namin at pinapatotohanan. Ipinaaalam namin sa inyo ang nahayag sa amin—ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama. 3 Ang aming nakita at narinig ang ipinapahayag namin sa inyo, upang magkaroon din kayo ng pakikipagkaisa sa amin. Ang pakikipagkaisa nating ito ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ang mga ito upang maging lubos ang aming[a] kagalakan.
Ang Diyos ay Liwanag
5 Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang anumang kadiliman. Ito ang mensahe na narinig namin mula sa kanyang Anak na siya naman naming ipinahahayag sa inyo. 6 Kung sinasabi nating may pakikipagkaisa tayo sa kanya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Ngunit kung tayo'y namumuhay sa liwanag tulad niya na nasa liwanag, may pakikipagkaisa tayo sa isa't isa; ang dugo ng kanyang Anak na si Jesus ang naglilinis sa atin sa lahat ng kasalanan. 8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan na magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa atin mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kung sinasabi natin na tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.
Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol
2 Mahal kong mga anak, isinusulat ko ang mga ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, mayroon tayong Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na matuwid. 2 Siya ang inialay bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, hindi lamang sa ating mga kasalanan kundi maging ng buong sanlibutan.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(A)
19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (B)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”
24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”
26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.