Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Alay na Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga larawan ng mga bagay na panlangit ay linisin sa pamamagitan ng ganitong mga alay. Ngunit ang mga bagay sa kalangitan ay dapat linisin sa pamamagitan ng mga handog na mas mabuti kaysa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay mismong sa langit pumasok at hindi sa santuwaryong gawa ng mga kamay ng tao, na larawan lamang ng mga tunay na bagay. Ngayo'y nasa harap siya ng Diyos upang dumulog para sa atin. 25 Naroon siya hindi upang ihandog ng maraming ulit ang kanyang sarili, hindi tulad ng Kataas-taasang Pari ng mga Judio na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan taun-taon at may dalang dugo na hindi naman sa kanya. 26 Sapagkat kung ihahandog niya ang kanyang sarili taun-taon, kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nagpakita sa pagtatapos ng panahon upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom. 28 Gayundin (A) naman, minsanang ihinandog si Cristo upang pasanin ang kasalanan ng marami. Magpapakita siya sa ikalawang pagkakataon, hindi na upang pasanin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.