Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat,
“Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin,
at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.
Nilinis ni Jesus ang Templo(A)
13 (B)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (C)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (D)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.