Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27 ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea.
8 Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.
9 At(A) sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin.
10 Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo.
11 At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”
12 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001