Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo ay wala akong maipagmamalaki sapagkat ito ay tungkuling iniatang sa akin. Kaysaklap ng sasapitin ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung kusang-loob ko itong ginagawa, ako ay may gantimpala. Ngunit kung hindi kusang-loob, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano naman ang gantimpala ko? Iyon ay ang maipangaral ko ang ebanghelyo nang walang bayad, upang hindi ko magamit nang lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.
19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.
Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(A)
29 Mula sa sinagoga ay agad silang tumuloy sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil sa lagnat. Kaagad nilang sinabi kay Jesus[a] ang tungkol sa kanya. 31 Kaya't lumapit si Jesus sa babae, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Nawala kaagad ang lagnat ng babae at siya'y naglingkod sa kanila. 32 Pagsapit ng gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasaniban ng demonyo. 33 Lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Nagpagaling siya ng maraming taong may iba't ibang uri ng sakit, at nagpalayas ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam ng mga ito kung sino siya.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(B)
35 Kinabukasan, madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at lumabas na ng bahay. Nagtungo siya sa isang di-mataong lugar, at doon ay nanalangin. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan nito. 37 Nang siya'y natagpuan nila, sinabi nilang, “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sumagot si Jesus, “Pumunta tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral din ako roon. Ito ang dahilan ng aking pagparito.” 39 Kaya (C) nilakbay ni Jesus ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.