Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[a] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.
39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.