Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog, hindi ako mayayanig.
7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.
11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12 at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.
Ang Basag na Banga
19 Ganito ang sabi ng Panginoon, “Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari.
2 Lumabas(A) kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit,[a] at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo.
3 At sabihin mo, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting.
4 Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.
5 Nagtayo(B) rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip.
6 Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan.
7 At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa.
8 Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan.
9 At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.’
10 “Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo,
11 at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan.
12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet.
13 At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet—lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.’”
14 Nang dumating si Jeremias mula sa Tofet na pinagsuguan sa kanya ng Panginoon upang doon ay magsalita ng propesiya, tumayo siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon, at sinabi sa buong bayan:
15 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel. Dinadalhan ko ang lunsod na ito at ang lahat nitong mga bayan ng lahat ng kasamaan na aking sinalita laban dito, sapagkat pinapagmatigas nila ang kanilang ulo at ayaw nilang makinig sa aking mga salita.”
11 Ang(A) mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal;
12 kalakal(B) na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay-ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol,
13 kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao.
14 “Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo
ay wala na sa iyo,
at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal
ay nalipol sa iyo,
at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!”
15 Ang(C) mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,
16 na nagsasabi,
“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula,
at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas!
17 Sapagkat(D) sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!”
At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo,
18 at(E) nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi,
“Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?”
19 At(F) sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi,
“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak!
20 Magalak(G) ka tungkol sa kanya, O langit,
at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta;
sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001