Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 1:1-5

Ang Paglikha

Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. Ang mundo noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na bumabalot sa mundo ay balot ng kadiliman. At ang Espiritu ng Dios[a] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. Sinabi ng Dios, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. Nasiyahan ang Dios sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.

Salmo 29

Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon

29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
    Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
    Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.

Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
    na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
    at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
    at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
    at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
    At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
    Ang Dios ay makapangyarihan!”

10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
    Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
    at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.

Gawa 19:1-7

Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. Labindalawang lalaki silang lahat.

Marcos 1:4-11

4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[a] Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(A)

Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®