Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 149

149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
    ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
    ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
    na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
    kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
    umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
    at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
    at ng kaparusahan sa mga bayan,
upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
    at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
    Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!

Exodo 10:21-29

Ang Salot na Kadiliman

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.”

22 Kaya't(A) iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw.

23 Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan.

24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.”

25 Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa Panginoon naming Diyos.

26 Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa Panginoon naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.”

27 Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila.

28 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.”

29 Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”

Roma 10:15-21

15 At(A) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

16 Subalit(B) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”

17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[a]

18 Ngunit(C) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat

“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
    at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”

19 Ngunit(D) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,

“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
    sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”

20 At(E) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,

“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
    ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”

21 Subalit(F) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001