Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
2 Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.
3 Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
4 Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.
5 Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
6 Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.
7 Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.
8 Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
9 Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.
10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.
12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.
14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
Pinuntahan ni Ruth si Boaz
3 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, “Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo?
2 Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan.
3 Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom.
4 At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”
5 Sinabi niya sa kanya, “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.”
6 Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan.
7 Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth[a] ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga.
8 At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan!
9 Sinabi niya, “Sino ka?” At siya'y sumagot, “Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.”
10 Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman.
11 Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat.
12 Tunay(A) nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin.
13 Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak[b] ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang Panginoon ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga.”
Si Ruth ay Naging Asawa ni Boaz
13 Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalaki.
14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.
15 Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”
16 Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.
17 Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapitbahay, na sinasabi, “May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi.” At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.”
18 Ito ang mga salinlahi ni Perez: naging anak ni Perez si Hesron;
19 naging anak ni Hesron si Ram, naging anak ni Ram si Aminadab;
20 naging anak ni Aminadab si Naashon, naging anak ni Naashon si Salmon:
21 naging anak ni Salmon si Boaz, naging anak ni Boaz si Obed;
22 naging anak ni Obed si Jesse, at naging anak ni Jesse si David.
Si Jesus ay Nagturo at Nanggamot(A)
17 Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit;
18 at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling.
19 Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat.
Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(B)
20 Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi,
“Mapapalad kayong mga dukha,
sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong nagugutom ngayon,
sapagkat kayo'y bubusugin.
Mapapalad kayong tumatangis ngayon
sapagkat kayo'y tatawa.
22 Mapapalad(C) kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao.
23 Magalak(D) kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman,
sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat kayo'y magugutom.
“Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon,
sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak.
26 “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001