Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
Si Ruth ay Naging Asawa ni Boaz
13 Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalaki.
14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.
15 Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya.”
16 Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito.
17 Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapitbahay, na sinasabi, “May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi.” At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David.”
11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,
12 na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init!
13 Ngunit,(A) ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan.
Pangwakas na Pangaral at Basbas
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.
15 At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo;
16 gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.
17 Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan.
18 Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001