Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 66:1-12

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

Jeremias 27

Nagsuot ng Pamatok si Jeremias

27 Nang(A) pasimula ng paghahari ni Zedekias[a] na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin: “Gumawa ka para sa iyo ng mga panggapos at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok.

At magpasabi ka sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga anak ni Ammon, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagtungo sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda.

Ipagbilin mo para sa kanilang mga panginoon na sinasabi: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon:

“Ako ang gumawa ng lupa, pati ng tao at hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at nakaunat na bisig; at ibinibigay ko ito sa kaninumang marapatin ko.

Ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod, at ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.

Lahat ng mga bansa ay maglilingkod sa kanya, sa kanyang anak at sa kanyang apo, hanggang dumating ang panahon ng kanyang sariling lupain; at kung magkagayo'y gagawin siyang alipin ng maraming bansa at ng mga dakilang hari.

At mangyayari na alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at hindi maglalagay ng kanilang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot, sabi ng Panginoon, hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kanyang kamay.

Ngunit tungkol sa iyo, huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa inyong mga tagapanaginip, sa inyong mga salamangkero, o sa inyong mga manggagaway, na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia!’

10 Sapagkat kasinungalingan ang kanilang propesiya sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at palalayasin ko kayo at kayo'y malilipol.

11 Ngunit ang bansang maglalagay ng kanyang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kanya, ay hahayaan kong manatili sa kanyang sariling lupain, at kanilang bubungkalin iyon at maninirahan doon, sabi ng Panginoon.”’”

12 Kay Zedekias na hari ng Juda ay nagsalita ako ng mga ganito ring salita, na sinasabi, “Ipailalim ninyo ang inyong mga leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, at inyong paglingkuran siya at ang kanyang sambayanan, at kayo'y mabubuhay.

13 Bakit kayo mamamatay, ikaw at ang iyong bayan sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom at ng salot, gaya ng sinabi ng Panginoon tungkol sa bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia?

14 Kaya't huwag kayong makinig sa mga salita ng mga propeta na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.

15 Hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon, kundi sila'y nagsasalita ng propesiya na may kasinungalingan sa aking pangalan upang palayasin ko kayo at kayo'y malipol, kayo at ang mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo.”

16 Pagkatapos ay nagsalita ako sa mga pari at sa buong sambayanang ito, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay malapit nang ibalik mula sa Babilonia,’ sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo.

17 Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at kayo'y mabubuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?

18 Kung sila'y mga propeta, at kung ang salita ng Panginoon ay nasa kanila, magsumamo sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem ay huwag mapapunta sa Babilonia.

19 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, sa tangke ng tubig,[b] tungkol sa mga patungan, at sa iba pang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito,

20 na hindi tinangay ni Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, nang kanyang dalhing bihag mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia si Jeconias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda, pati ang lahat ng maharlika ng Juda at Jerusalem—

21 oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ng Panginoon, sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem:

22 Ang mga iyon ay dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na dalawin ko ang mga iyon, sabi ng Panginoon. Kung magkagayo'y ibabalik ko ang mga iyon at isasauli ko sa dakong ito.”

2 Timoteo 2:1-7

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya't ikaw, anak ko, maging malakas ka sa biyayang na kay Cristo Jesus,

at ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba.

Makipagtiis ka ng mga kahirapan, gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus.

Walang kawal na naglilingkod ang nakikisangkot sa mga bagay ng buhay na ito, yamang ang kanyang mithiin ay bigyang-kasiyahan ang nagtala sa kanya.

Sinumang manlalaro ay hindi pinuputungan malibang nakipagpaligsahan siya ayon sa mga alituntunin.

Ang magsasaka na nagpapakapagod ay siyang unang dapat na magkaroon ng bahagi sa mga bunga.

Isipin mo ang sinasabi ko, sapagkat bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001