Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
huwag nawa akong mapahiya kailanman!
2 Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
3 Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.
4 Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
5 Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.
Si Haring Zedekias ng Juda(A)
11 Si(B) Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem.
12 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(C)
13 Naghimagsik(D) din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
14 Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng Panginoon na kanyang itinalaga sa Jerusalem.
15 At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako.
16 Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng Panginoon ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas.
17 Kaya't(E) dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay.
18 Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia.
19 At(F) sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito.
20 Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia,
21 upang(G) matupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon.
Tinawagan ni Jesus sina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”
44 Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.
45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”
46 Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”
49 Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”
50 Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”
51 Sinabi(A) niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001