Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 113

113 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon, purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon.

Purihin ang pangalan ng Panginoon mula sa panahong ito at magpakailan man.

Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon ang pangalan ng Panginoon ay pupurihin,

Ang Panginoon ay mataas na higit sa lahat ng mga bansa, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa itaas ng mga langit.

Sino ang gaya ng Panginoon nating Dios, na may kaniyang upuan sa itaas,

Na nagpapakababang tumitingin ng mga bagay na nangasa sa langit at sa lupa?

Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, at itinataas ang mapagkailangan mula sa dumi;

Upang maupo siya na kasama ng mga pangulo, sa makatuwid baga'y ng mga pangulo ng kaniyang bayan.

Kaniyang pinapagiingat ng bahay ang baog na babae, at maging masayang ina ng mga anak. Purihin ninyo ang Panginoon.

Genesis 30:1-24

30 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!

At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?

At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.

At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.

At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.

At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.

At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.

Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob.

10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.

11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.

12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.

14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.

15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.

16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.

17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.

18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.

19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.

20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.

21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.

22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata.

23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:

24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.

Roma 8:18-30

18 Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

19 Sapagka't ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Dios.

20 Sapagka't ang buong nilalang ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa

21 Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios.

22 Sapagka't nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon.

23 At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga'y tayo nama'y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay ng pagkukupkop, na dili iba't, ang pagtubos sa ating katawan.

24 Sapagka't tayo'y iniligtas sa pagasa: datapuwa't ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya't sino nga ang umaasa sa nakikita?

25 Datapuwa't kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo'y hinihintay nating may pagtitiis.

26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni't ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita;

27 At ang nakasisiyasat ng mga puso'y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka't siya ang namamagitan dahil sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Dios.

28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.

29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:

30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain