Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 61:10-62:3

10 Ako'y(A) magagalak na mabuti sa Panginoon,
    ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
    kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
    at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
11 Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
    at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan
    sa harapan ng lahat ng bansa.

62 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
    at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
    at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
    at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
    na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
    at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.

Mga Awit 148

148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
    purihin siya sa mga kaitaasan.
Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
    purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!

Purihin ninyo siya, araw at buwan;
    purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
    at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.

Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
    siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
    ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
apoy at yelo, niyebe at hamog,
    maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!

Mga bundok at lahat ng mga burol,
    mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
    mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!

11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
    mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
    ang matatanda at mga bata!

13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
    nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
    ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
    para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!

Galacia 4:4-7

Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

upang(A) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.

At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”

Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.

Lucas 2:22-40

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang(A) sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon

23 (ito ay ayon(B) sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).

24 Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”

25 Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.

26 Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,

28 inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,

29 “Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
    ayon sa iyong salita,
30 sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
32 isang(C) ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
    at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”

33 Ang ama at ina ng bata[a] ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.

34 Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,

35 at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”

36 Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,

37 at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.

38 Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol[b] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.

Ang Pagbabalik sa Nazaret

39 Nang(D) magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.

40 At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001